Pambabatikos ni VP Sara sa ₱20/kilong bigas, ‘crab mentality’ ayon sa Malacañang
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Mariing tinutulan ng Malacañang ang negatibong pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa pagbebenta ng ₱20 kada kilo ng bigas sa Visayas region.
Sa isang press briefing nitong Huwebes, April 24, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Claire Castro na ang sentimyento ng pangalawang pangulo ay maituturing na “crab mentality” sa halip na suportahan ang hakbang ng gobyerno.
“Ang tunay na lider — at tunay na Pilipino — ay dapat sumusuporta sa kapwa Pilipino, lalong-lalo na sa pinuno ng bansa,” ani Castro.
Pinuna rin ni Castro ang patuloy na negatibong pananaw ng ilan, sa kabila ng mga pagsisikap ng administrasyon na gawing realidad ang pagpapababa ng presyo ng bigas.
Matatandaan nitong Miyerkules, April 23, nagkomento si Duterte sa panukalang bentahan ng ₱20 kada kilong bigas. Aniya, “paasa” at “binubudol” lamang ng administrasyon ang mga tao na maisasakatuparan ito.
Ang naturang pahayag ay kasunod ng anunsyo ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na sisimulan na ang pilot rollout ng ₱20 kada kilong bigas para sa indigent families sa Visayas bilang bahagi ng targeted rice subsidy program ng pamahalaan. #