Paintings ng mother-and-daughter duo, patok sa art enthusiasts
By Atty. Nicolette Henson
Tampok sa isang art exhibit ang mga obra ng mother-and-daughter duo na pumatok sa art enthusiasts.

Ito ang kauna-unahang exhibit ng mag-inang Raiza at Rylee Yabut Policarpio.

Ayon sa negosyanteng si Raiza, hindi niya akalain na mapupunta siya sa larangan ng pagpipinta dahil kolektor lamang siya noon na sumusuporta sa local artists.
Katunayan, ang pangarap niya talaga bago siya magkapamilya ay maging isang flight attendant.

Nakaranas ng miscarriage at iba pang mga pagsubok sa buhay; ngayon, ang art din pala ang magiging tulay niya para yakapin ang panibagong yugto ng kanyang pagiging ina.

Na-diagnose na may autism spectrum disorder ang kanyang ikatlong anak, at ito daw ang nagpatibay sa kanilang pamilya.

Lalong natuto si Raiza na magtiyaga, magmahal nang walang kondisyon, at tanggapin ang pagiging unique ng bawat tao sa kanilang self-expression.

Kaya naman nais niya na lumawak pa ang kaalaman ng mga mamamayan ukol sa mga batang may special needs.

Ayon pa sa budding artist na si Raiza, layon din ng kanyang exhibit ang magbigay ng inspirasyon sa mga magulang na nasa kaparehong sitwasyon.

“Napakalaking tulong ng art hindi lang sa aking healing journey kundi lalo na sa anak kong si Rylee na hirap na hirap sa pag-eexpress ng kanyang sarili,” saad niya.

Sa lahat ng binisitang café, napili naman ni Raiza ang Café niDu para sa kauna-unahan nilang exhibit dahil para lang daw siyang nasa Dingalan, Aurora kung saan sila nagtayo ng resort business at kung saan siya namulat sa sining.
Tila tinadhana rin daw ng Panginoon dahil nang makausap niya ang owner ng café, nalaman niyang diagnosed din siya with special needs noong kabataan niya.

Sa kasalukuyan, marami na ang bumili sa paintings nila ni Rylee mula sa exhibit.
“Malaki ang pasasalamat ko sa lahat dahil nakikita ko at nararamdaman ko na sobrang saya ng anak ko. Ramdam niya ang acceptance at security sa mga tao. I don’t know what’s next for us but whatever it is, I know it will be greater,” ani pa ni Raiza.
Ginanap ang exhibit noong March 21 hanggang March 23, 2025 sa Café niDu, Santa Barbara, Bacolor, Pampanga.