Pagpapalakas sa karapatan ng kababaihan, patuloy na isinusulong ng PCW
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Nagsagawa ng isang Feedback Forum ang Philippine Commission on Women (PCW) sa The Bayleaf Hotel, Manila nitong Biyernes, April 4.

Layon nitong pag-usapan ang mga susunod na hakbang ng Komisyon para sa mga kababaihan sa bansa at ang katatapos na partisipasyon ng Pilipinas sa 69th session ng Commission on the Status of Women (CSW69) sa New York, U.S.A. nitong March 31, 2025.
Tinalakay sa naturang forum ang mahahalagang resulta ng CSW69, partikular sa pagpapalakas ng partisipasyon ng bansa sa pandaigdigang usapin sa kasarian at kababaihan. Gayundin ang patungkol sa climate change at papel ng kabataan sa paggawa ng polisiya.

Dinaluhan ito ng mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Office of United Nations and International Organizations (UNIO), at iba pang ahensya ng pamahalaan, diplomatic corps members, media, at civil society.
Samantala, nitong Martes, April 8, naglabas ng mensahe si PCW Chairperson Ermelita Valdeavilla ukol sa paglaganap ng mga taktika ng ilang kandidato na pangmamaliit sa dignidad ng kababaihan upang makuha ang atensyon ng publiko.

Kaugnay nito, hinimok ng PCW ang publiko na maging mapanuri at piliin ang mga kandidatong tunay na gumagalang sa karapatan at pagkatao ng kababaihan ngayong papalapit ang eleksyon. #