Paggamit sa ‘mentally disabled’ na babae laban kay Pasig City Mayor Vico Sotto, iimbestigahan ng DSWD
Ipinag-utos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang imbestigasyon sa umano’y paggamit at pang-aabuso sa isang babaeng may kapansanan na pinilit daw gumawa ng video laban kay Pasig City Mayor Vico Sotto kapalit ng ayudang bigas.

Sa naturang video na uploaded sa The Journal Pasig Facebook page na kaagad kumalat sa social media, makikitang nagsasalita ang 57-anyos na babae laban sa alkalde. Ayon sa kanyang pamangkin, napilitang magsalita ang kanyang tiyahin matapos sabihang kailangan munang mag-record ng video bago makakuha ng bigas mula sa isang kandidato sa kalapit na barangay.
Tinukoy ni Gatchalian na ang paggamit sa mga taong may kapansanan para sa layuning pampulitika ay maaring lumabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na nagbibigay proteksyon sa mga bata at indibidwal na may physical and mental disability laban sa anumang uri ng pang-aabuso at pananamantala.
Dagdag pa ng kalihim, hindi dapat ginagamit ang kahinaan ng mga maralita at may kapansanan para sa pansariling interes. Dapat umano silang kinukupkop at pinangangalagaan at hindi inaabuso. #