Paggamit ng Emergency Cell Broadcast System para sa politikal na layunin, maaaring magdulot ng panganib sa publiko: OCD
Mariing kinundena ng Office of Civil Defense (OCD) ang maling paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) sa pagpapakalat ng mga mensaheng may kinalaman sa politika.
Ang ECBS ay isang sistema na ginagamit lamang upang magbigay ng agarang babala sa panahon ng kalamidad gaya ng lindol, bagyo, at iba pang banta sa kaligtasan ng publiko.
Sa statement na kanilang inilabas nitong Linggo, April 6, sinabi ng OCD na may mga ulat silang natanggap mula sa ilang residente sa iba’t ibang lalawigan tungkol sa ECBS alerts na may mensaheng nananawagan ng boto para sa ilang kandidato. Ang mga mensaheng ito ay ginawang mistulang lehitimong emergency alerts, na maaaring magdulot ng kalituhan at kapabayaan sa oras ng totoong sakuna.

Ayon pa sa tanggapan, nilinaw na ng mga pangunahing telecommunications providers na Globe Telecom at Smart Communications na hindi nila ginagamit ang ECBS sa mga mensaheng walang kaugnayan sa emergency. Wala rin silang ipinadalang mensaheng may temang politikal. Iginiit din nila na hindi maaaring gamitin ng mga pribadong indibidwal o kumpanya ang ECBS para sa pansariling layunin.
Patuloy naman ang pagpapaalala ng OCD at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na gamitin lamang ang ECBS para sa mga tunay na emergency at banta sa kaligtasan ng publiko. Ayon sa OCD, ang paggamit nito para sa pulitika ay hindi katanggap-tanggap at hindi ito kailanman papayagan.
Isinumite na ng tanggapan ang usapin sa National Telecommunications Commission (NTC) para sa masusing imbestigasyon at nararapat na aksyon. Kasalukuyan din silang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya upang matukoy ang mga may kagagawan nito at mapanagot sila sa ilalim ng batas. #