Paggamit ng cellphone at social media sa loob ng mga bilangguan, bawal na: BuCor
Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang paggamit ng social media platforms sa loob ng kanilang mga tanggapan at sa lahat ng bilangguan na nasa ilalim ng kanilang pamamahala.
Ang mga hakbang na ito ay ipinatupad ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. bunsod ng mga ulat na malaking bahagi raw ng drug trade ay nanggagaling pa rin sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa statement ng ahensya nitong Huwebes, November 22, hindi na pinapayagan ang kanilang mga opisyal at kawani na gamitin ang kanilang oras sa pag-access ng social media sites gaya ng TikTok, Facebook, YouTube, at Instagram.
Kasama rin sa bagong patakaran ang pagbabawal ng paggamit ng mga cellphone sa loob ng mga piitan sa buong bansa.
Saklaw ng naturang kautusan ang lahat ng commissioned officers, non-commissioned officers, mga civilian personnel, mga bisita, at sinumang papasok sa BuCor headquarters at mga operating prisons at penal farms (OPPFs).
Bagama’t batid ni Catapang na maaaring magdulot ng hindi pagkakasundo ang bagong regulasyon, ipinaliwanag niya na makakatulong raw ang hakbang na ito upang matigil ang lumalalang problema ng iligal na kalakalan ng droga sa mga bilangguan.
Aniya, ang mga personnel na sangkot sa hindi awtorisadong paggamit o pagpasok ng cellphone ay sasailalim sa administratibo at kriminal na parusa.
Imbes na cellphone ang gamitin, iniutos ni Catapang ang pagbili ng two-way radios bilang alternatibong kasangkapan para sa komunikasyon.
Inutusan din niya ang superintendents na paigtingin ang inspeksyon sa lahat ng entry at exit points upang maiwasan ang smuggling.
Bukod dito, ipinag-utos rin niya ang regular na pag-check sa mga pasilidad, random inspection sa dormitoryo ng mga bilanggo, gayundin ang work area ng mga kawani ng BuCor para tuluyang makumpiska ang mga prohibited devices. #