Pagdinig sa kaso ni ex-Pres. Rodrigo Duterte, ipinagpaliban ng ICC

Ipinagpaliban ng International Criminal Court (ICC) ang nakatakdang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos igiit ng kanyang kampo na hindi na siya ‘fit’ na sumailalim sa paglilitis dahil sa kanyang edad at kalusugan.
Sa desisyong inilabas ng Pre-Trial Chamber I nitong Lunes, September 8, sinabi ng mayorya ng hukom na kinakailangan ang pansamantalang pagpapaliban upang mapagdesisyunan ang mosyon ng defense team ni Duterte at iba pang kaugnay na usapin.
Gayunpaman, tumutol si Judge María Flores Liera at iginiit na dapat itinuloy ang pagdinig gaya ng nakatakda.
Ang confirmation of charges hearing ay kritikal na bahagi ng proseso ng ICC upang matukoy kung may sapat na ebidensya laban sa akusado.
Kapag nakumpirma ang mga kaso, uusad ito sa Trial Chamber para sa susunod na yugto ng paglilitis.
Matatandaang noong March 7, 2025, naglabas ng warrant of arrest ang ICC laban kay Duterte kaugnay ng umano’y crimes against humanity gaya ng pagpatay, torture, at rape na naganap sa Pilipinas mula Nov. 1, 2011 hanggang March 16, 2019.
Naaresto siya ng mga otoridad sa bansa noong March 12, 2025 at kalauna’y isinuko sa ICC. Dalawang araw matapos nito, humarap siya sa unang pagkakataon sa korte sa pamamagitan ng video link. #
