Pagdami ng mga illegal dumpsite, pinangangambahan sa pagsasara ng Kalangitan landfill
Posible raw muling dumami ang mga iligal na dumpsite sakaling magtuloy ang napipintong pagsasara ng Kalangitan Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac sa October 9.
Ito ang inihayag ni Senador Raffy Tulfo sa kanyang privilege speech nitong Martes, September 10.
“Local Government Units served by the Landfill would revert to dumping into our waterways and other illegal dumpsites which run the risk of not only poisoning our water supply but would also increase our vulnerability to flooding,” ani Tulfo na chairperson ng Senate Committee on Public Services.
Kinwestyon rin ng senador ang ginawang pag-apruba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagpapasara ng landfill kahit taliwas daw ito sa polisiya na itinatakda ng batas.
“Kung ito ay sinarado, panigurado ba tayo na kakayanin ng natitirang mga landfill ang volume ng basura na ikakarga rito? And can they do it in such a way that still complies with our Solid Waste Management Act or RA9003?” tanong pa ng mambabatas.
Dahil dito, nanawagan si Tulfo sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at DENR na bawiin ang kanilang utos na itigil ang operasyon ng MCWMC.
“I call upon both the BCDA and DENR to thoroughly explain their action and prove to us – or rather, prove to the public – that this would not lead to another disaster waiting to happen,” pagtatapos ng senador.
Matatandaang ipinahinto ng BCDA at ng Clark Development Corporation (CDC) ang operasyon ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC) sa Kalangitan landfill kahit hanggang 2049 pa raw ang validity ng kanilang kontrata ayon sa MCWMC.
Nauna na ring sinabi ng CDC na hindi na nila pwedeng i-extend ang kontrata ng MCWMC dahil sa contractual limitations at mga planong development initiatives ng BCDA para sa New Clark City.
Balak umano ng nasabing state-run firm na pataasin ang economic value ng 100-hectare land area na kasalukuyang bahagi ng Contract for Service ng MCWMC.
-30-