Pagdalo ng mga kandidato sa pampublikong kaganapan, pinapayagan ng COMELEC
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Pinapayagan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga kandidato na dumalo at lumahok sa mga pampublikong kaganapan gaya ng mga pagtitipon o paligsahan hangga’t wala silang nilalabag na regulasyon sa halalan, ayon kay COMELEC Chairperson George Garcia.
Dagdag pa niya, maaaring makibahagi ang mga kandidato bilang hurado o gumanap ng ibang papel sa mga naturang aktibidad.
“They can serve as judges, put the crown, place the sash or whatever… They can participate in such activities,” ani Garcia.
Gayunpaman, mahigpit na ipinagbabawal ng ahensya ang pamimigay ng premyo, regalo, o anumang pabuya sa ganitong mga kaganapan, dahil maaari itong ituring na vote-buying.
Batay sa Omnibus Election Code, ang vote buying ay tumutukoy sa pagbibigay, pag-aalok, o pangako ng pera o anumang bagay na may halaga upang maimpluwensiyahan ang isang tao na bumoto ng pabor o laban sa isang kandidato. #