PAGCOR, bumagsak ang kita sa 40-50%; Senado, pinag-aaralan ang mga panukala hinggil sa online gambling

Ibinunyag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bumagsak nang 40% hanggang 50% ang kanilang kita matapos putulin ng mga e-wallet platform ang kanilang payment links para sa online gambling transactions.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, iniulat ni PAGCOR Assistant Vice President Jessa Mariz Fernandez na naramdaman ang malaking pagbaba ng kita sa loob lamang ng unang dalawang linggo mula nang ipatupad ang nasabing hakbang.
Kasabay nito, inanunsyo ng PAGCOR ang nakatakdang paglulunsad ng isang artificial intelligence-powered tool na layong tukuyin at harangin ang mga iligal na gambling website.
Makikipag-ugnayan din umano ang ahensya sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Telecommunications Commission (NTC), at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang palakasin ang kampanya laban sa mga hindi lisensyadong online gambling operators.
Nanindigan naman ang PAGCOR sa Senate hearing na mas epektibo ang mahigpit na regulasyon kaysa sa tuluyang pagbabawal ng online gambling.
Samantala, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nakadepende sa Kongreso ang pasya kung ipatutupad ang total ban o mas mahigpit na regulasyon. Nakatakda ring magsumite ang BSP ng position paper na maglalaman ng benepisyo at posibleng epekto ng dalawang opsyon.
Ayon kay Senator Erwin Tulfo, chair ng komite, patuloy nilang pag-aaralan ang social at economic implications ng online gambling bilang bahagi ng proseso ng pagbuo ng naaangkop na batas.
Kasalukuyang tinatalakay sa Senado ang mga panukala nina Senator Pia Cayetano, Senator Alan Peter Cayetano, Senator Juan Miguel Zubiri, Senator Loren Legarda, Senator Bong Go, at Senator Raffy Tulfo na naglalayong tuluyang ipagbawal ang naturang aktibidad.
Samantala, may hiwalay namang panukala sina Senator Sherwin Gatchalian at Senator Risa Hontiveros na nagsusulong ng regulasyon at harm-reduction mechanisms gaya ng pagpapataw ng buwis upang mabawasan ang panganib ng gambling addiction.
Naghain din si Senator JV Ejercito ng resolusyon na nananawagan ng mas mahigpit na regulasyon upang maiwasan ang lalo pang paglaganap ng online gambling at online lending schemes. #
