Pagbasura ni PBBM sa “Culinary Capital” title ng Pampanga, dapat unawain: UNESCO PH Sec. Gen. Henares

Umaasa si Ivan Henares, ang Secretary General ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) National Commission of the Philippines at Commissioner ng National Commission for Culture & Arts, na nauunawaan ng mga Kapampangan ang naging pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa panukalang ideklarang “Culinary Capital of the Philippines” ang lalawigan ng Pampanga.
Sa kanyang Facebook post, ipinaliwanag ni Henares ang naging desisyon ng Pangulo. Aniya, hindi niya sinasabing hindi maganda o masarap ang mga putahe at lutong Kapampangan, sadyang wala raw probinsya o rehiyon ang makapagsasabi na sila ang may pinakamasarap na pagkain dahil sa pagkakaiba-iba sa ating bansa.
“It is not saying that Kapampangan cuisine is not good. It just acknowledges that in a nation as diverse as ours, no one region can claim to have the best food,” saad ni Henares.
Gayundin, hinimok niya ang lahat na huwag magpayabangan para lamang sa mga titulo. Sa halip ay pagtutuunan ng pansin ang mga sustinableng programa at iba pang paraan para sa ikauunlad ng probinsya.
“We should not be competing with each other for bragging rights and empty titles. Focus on sustainable programs, not just trivial things. Let’s determine ‘key performance indicators’ and work towards those,” ayon sa Secretary General.
Matatandaang hindi inaprubahan ni Pangulong Marcos, Jr. ang Senate Bill No. 2797 o ang House Bill No. 10634 na naglalayong ideklara ang Pampanga bilang culinary capital ng Pilipinas.
Sa veto message na ipinadala ng Malacañang sa Senado at Kamara nitong March 12, nakasaad na ito ay dahil sa kakulangan ng historical basis at sapat na pag-aaral, pati na rin ang posibilidad na makasakit ng damdamin ng ibang mga probinsya sa bansa na kilala rin sa kanilang culinary contributions. #