Pagbaba ng presyo ng bigas, isa sa dahilan ng pagbagal ng inflation ng bansa nitong March 2025
Bumaba sa 1.8% ang headline inflation ng Pilipinas nitong nakalipas na March 2025, kumpara sa 2.1% noong Pebrero, base sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Pasok ito sa inaasahang forecast range ng BSP na 1.7% hanggang 2.5% para sa nagdaang buwan.
Ayon sa BSP, bunsod ito ng pagbaba ng presyo ng bigas sa world market at mga hakbang ng pamahalaan upang patatagin ang supply. Bumaba rin ang inflation sa karne, bagama’t nananatiling mataas ang presyo nito dahil sa epekto ng African Swine Fever sa lokal na supply ng baboy.

Bukod dito, bumaba rin ang non-food inflation kasunod ng pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo at mas mababang inflation sa mga serbisyo tulad ng restaurants at accomodations.

Samantala, sa month-on-month seasonally adjusted basis, bahagyang tumaas ang inflation nang 0.1% nitong March mula sa 0% noong February. Patuloy rin ang pagbagal ng core inflation na bumaba sa 2.2% mula sa 2.4% noong February.
Sa kabuuan, ang average inflation mula January hanggang March ay nasa 2.2%. Malapit ito sa target na 2% hanggang 4% ng pamahalaan para sa buong taon. #