Pag-isahin ang sports at tourism para itulak ang pag-angat ng local communities: Philippine Sports Commission

Sa gitna ng lumalakas na momentum ng surfing sa bansa, binigyang-diin ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio na panahon nang ituring ang sports tourism bilang isang national strategy upang palakasin ang turismo at ekonomiya ng Pilipinas.
Sa media conference ng Baler Surf Fest and WSL International Pro 2025 sa Baler, sinabi ni Gregorio na handang-handa na ang Baler—na kilalang “OG capital” ng surfing sa bansa—para magsilbing modelo ng sports-driven tourism.
Aniya, hindi na kailangan pang baguhin o simulan sa umpisa ang lugar dahil kumpleto na ito sa pasilidad at atraksyong kailangan para sa malalaking kompetisyon.
Sa kaniyang pahayag, binigyang-puri niya ang Baler sa pagiging perpektong venue para sa surfing events.
“Since Baler is the OG capital for surfing then dapat paninindigan natin ‘yon diba… actually not even develop because this is already a beautiful resort… meaning what else can you ask for… you sleep here, you rest here… and the tournament, the surfing competition, is right there,” ani Gregorio.
Binigyang-diin din ni Gregorio na dapat mas malinaw at mas aktibo ang koordinasyon sa pagitan ng Department of Tourism (DOT), Commission on Higher Education (CHED), at iba pang ahensya upang magkaroon ng sapat na pondo para sa sports infrastructure.
Ikinumpara niya ang mga hakbang ng ibang bansa na gumagamit ng malalaking sporting events bilang national marketing strategy, tulad ng Formula One ng Singapore at water sports hubs ng Thailand.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng PSC chief ang pagpapatayo ng Regional Training Centers upang hindi na kailangang ilayo ang mga batang atleta sa kanilang pamilya at komunidad. Sa ganitong sistema, mas mapapadali aniya ang grassroots development at mas mahihikayat ang kabataang pumasok sa sports. Ibinahagi rin niya ang isang halimbawa na nagpakita ng kahalagahan ng localized training.
“Can you imagine there are 15–20 youth boxers in Baguio… you ask them, taga-saan ka? Sabihin sa’yo: Bukidnon, Cagayan de Oro, Davao… Why do we have to pull out these kids from their families, from their schools, from their community? If you don’t pull them out… they can entice their friends, convince their friends to take up the sport as well,” pagbabahagi ng PSC Chairman.
Aniya, ang surfing ay isang malinaw na halimbawa ng sport na kayang bumuo ng mga regional hubs, at umaasa siyang susundan ito ng iba pang sports sa bansa.
Sa dulo, iginiit ni Gregorio na malaking oportunidad para sa Pilipinas ang patuloy na paglakas ng surfing upang manguna sa paghubog ng sports-tourism destinations sa iba’t ibang rehiyon. Ito raw ang direksyong dapat yakapin ng mga lokal na pamahalaan kung nais nilang umangat ang kanilang ekonomiya at reputasyon sa pandaigdigang sports scene. #
