‘Oplan Paskong Sigurado’, ipantatapat ng DICT kontra online scam
Titiyakin ng pamahalaan ang seguridad, kaayusan, at kaligtasan ng publiko laban sa anumang panloloko sa online shopping ngayong holiday season. Hatid ito ng inilunsad na Oplan Paskong Sigurado (OPS) ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Lunes, November 24.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, katambal ng OPS ang pinalakas na Oplan Cyberdome o OCD na poprotekta sa publiko mula sa iba’t ibang scam, lalo na sa online shopping, e-wallet transactions, at remittances na karaniwang puntirya ng mga manloloko.
Kailangan aniyang palakasin pa ang hakbang ng gobyerno kasabay ng patuloy na paglaki ng digital activity ng mamamayan. Ipatutupad ang mga programa upang mabantayan ang publiko at mabigyan sila ng kumpiyansang gamitin ang online platforms nang ligtas.
Hinihikayat ng OPS ang taumbayan na maging mapagmatyag, agarang ireport ang kahina-hinalang aktibidad, at nang makapagdiwang ng Pasko nang matiwasay. Paiigtingin din ng DICT ang operasyon ng OCD, isang whole-of-government initiative katuwang ang law enforcement agencies, telecommunications companies, at iba pang partners na nakatuon sa anti-scam operations at cybersecurity monitoring.
Katuwang ng DICT ang University of the Philippines Diliman Extension Program sa Cybersecurity Microcredentials Program (CMP) na magbibigay ng pagsasanay para makapaghubog ng mas maraming cybersecurity professionals.
Ayon sa National Association of Data Protection Officers of the Philippines, kailangan ng humigit-kumulang 180,000 eksperto para maprotektahan kahit 10% ng critical institutions at infrastructure sa bansa.
Sasaklawin ng CMP ang tatlong kurso:
- Security Operations Center Readiness and Cyber Foundations
- Threat Detection and Incident Handling
- Governance, Risk Management, and Compliance (GRC) Essentials
Makakatanggap ang mga estudyante ng sertipikasyon sa Advanced Cyber Defense at GRC batay sa resulta ng hands-on laboratory training at aktwal na incident investigation.
Dagdag pa ng DICT, hindi na dapat umasa ang Pilipinas sa ibang bansa para solusyunan ang cyber problems dahil kayang buuin ang kakayahang ito sa pamamagitan ng mga paaralan at talento ng kabataang Pilipino. Nakatakdang ianunsyo ng UPDEPPO at DICT sa kanilang mga opisyal na channels ang detalye ng enrolment para sa CMP. #
