Opisyal na resulta ng eleksyon sa May 12 para sa senator at party-list groups, lalabas sa loob ng isang linggo
Posibleng sa loob pa ng lima o hanggang pitong araw bago opisyal na malaman ang mga mananalong senador at party-list groups sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE), ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ipinaliwanag ni Comelec Chairperson George Garcia na ang mga boto mula sa Municipal at Provincial Boards of Canvassers ay dadalhin sa National Board of Canvassers (NBOC) para sa opisyal na bilangan.

Gayunpaman, binigyang-diin niyang mas mabilis na ang proseso ngayon kumpara sa halos isang buwang canvassing noong panahon ng manual elections.
Samantala, maaari namang lumabas ang unofficial results sa gabi mismo ng halalan dahil sa mas pinabilis na transmission o pagpapadala ng mga boto mula sa automated counting machines (ACMs) na gagamit ng 5G technology sa pamamagitan ng Starlink.
Matatandaan noong May 2022 elections, naiproklama ang 12 na nanalong senador matapos ang siyam na araw, habang umabot naman ng 17 araw bago opisyal na ideklara ang mga nanalong party-list groups. #