Oil price hike, dalawang beses mararanasan ngayong linggo

Big-time oil price hike ang mararanasan ng mga motorista ngayong linggo. Bunsod ito ng dalawang beses na pagpapatupad ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ng mga kumpanyang Caltex, Petron, SEAOIL, at Shell.
Simula 6 AM ngayong Martes, June 24, tumaas nang ₱1.75 ang kada litro ng gasolina, ₱2.60/L sa diesel, at ₱2.40/L naman sa kerosene.
Susundan ito ng isa pang taas-presyo sa Huwebes, June 26, bilang ikalawang bahagi ng staggered adjustment na inaprubahan ng Department of Energy (DOE).
Sumabay rin ang Cleanfuel sa parehong implementasyon ng presyo kaninang 8:01 AM, maliban sa kerosene na wala sa kanilang mga produkto.
Una nang tinukoy ng DOE na ang pagtaas ng presyo ay bunsod ng patuloy na sigalot sa pagitan ng mga bansang Israel at Iran.
Mga kumpanya ng langis, sang-ayon sa staggered implementation ng nakaambang oil price hike
Sumang-ayon ang mga kumpanya ng langis sa panawagan ng Department of Energy (DOE) na ipatupad ang staggered o paunti-unting pagpataw ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ngayong linggo.
Paraan umano ito upang hindi mabigla nang sobra ang mga consumer o pangkaraniwang mamamayan sa nakaamba o biglaang pagtaas ng presyo ng mga ito.
Nitong Lunes, June 23, hinikayat ng DOE ang downstream oil industry sa bansa na ayusin ang implementation scheme nito, kung saan inaasahan ng ahensya na makapagsusumite sila ng plano hanggang ngayong gabi.
Kasabay nito, hinimok din ng Energy Department ang ilang kumpanya na palawakin ang pagbibigay ng fuel discounts para sa transport sector bilang bahagi ng pagtulong sa mga pinakaapektadong sektor. #
