OFWs, mananatiling exempted sa terminal fee sa NAIA
Inihayag ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na hindi apektado ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nakatakdang pagtaas ng passenger service charge (PSC) o terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula Setyembre.
Binigyang-diin ng kumpanya na patuloy na ipatutupad ang kanilang exemption bilang pagkilala sa sakripisyo at malaking ambag ng mga tinaguriang makabagong bayani.
Batay sa bagong framework, tataas sa ₱950 ang singil para sa international flights mula sa dating ₱550, habang magiging ₱390 naman ang bayad para sa domestic flights kumpara sa ₱200 noon.
Ito ang kauna-unahang pagtaas ng PSC sa loob ng mahigit 20 years na layong tugunan at mapanatili ang modernisasyon sa paliparan.
Ipinaliwanag ng NNIC na alinsunod ang hakbang sa itinakdang pamantayan ng pamahalaan sa ilalim ng MIAA Administrative Order No. 1, series of 2024 na inaprubahan ng Department of Transportation at ng Gabinete.
Sinuri din ng Asian Development Bank ang mga itinakdang halaga bago ito ipatupad.
Kabilang sa mga nagawa ng NNIC mula nang pamunuan nito ang NAIA noong September 2024 ang pagsasaayos ng mga CR, pag-aayos ng elevators at escalators, pagdadagdag ng baggage trolleys at gang chairs, at pagpapabuti ng wi-fi at CCTVs.
Nakatakda ring ilunsad ng consortium ang biometric passenger processing system sa susunod na buwan. #
