Official canvassing of votes, tapos na; 12 na bagong Senador, ipoproklama sa Sabado
Sa pangunguna ng Commission on Elections (Comelec) na tumatayong National Board Of Canvassers o NBOC, tuluyan nang nakumpleto nitong Huwebes, May 15, ang opisyal na pagbibilang ng mga boto para sa pagkasenador at partylist groups sa Halalan 2025 nitong May 12.
Batay sa inilabas na National Certificate of Canvass, ito ang mga pangalan ng mga kandidatong nakapasok sa “Magic 12” o labindalawang opisyal na nanalo sa pagkasenador:
Nasa unang pwesto si Senador Bong Go na nakakuha ng mahigit 27 million votes. Sinundan siya ni dating Senador Bam Aquino na may halos 21 million, at si Senador Ronald dela Rosa na may higit 20.7 million votes.
Pumuwesto rin sa top 12 sina ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, dating Senador Francis Pangilinan, Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta, dating Senador Panfilo Lacson, dating Senate President Vicente Sotto III, Senadora Pia Cayetano, Las Piñas Rep. Camille Villar, Senador Lito Lapid, at Senadora Imee Marcos.
Sa partylist race naman, nanguna ang Akbayan Partylist na may halos 2.8 million votes, kasunod ang Duterte Youth, Tingog, 4PS, ACT-CIS, at Ako Bicol.
Kabuuang 175 Certificates Of Canvass (COCs) ang na-verify ng Comelec sa loob ng tatlong araw ng canvassing — kabilang dito ang mga boto mula sa overseas voting.
Ayon sa Komisyon, bagama’t tapos na ang canvassing, ang mga inilabas na bilang ay pansamantala pa lamang at dadaan pa sa masusing auditing.
Ipinahayag naman ni Comelec Chairperson George Garcia na itutuloy ng NBOC ang proklamasyon ng mga nanalong Senador sa darating na Sabado ng hapon, May 17. Inaasahang maglalabas ng kaukulang resolusyon ang Comelec isang araw bago ang nasabing proklamasyon. #
