October 15, idineklarang “National Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day” ng Malacañang
By Jazlei Tizon, CLTV36 News intern
Naitalaga na ang October 15 ng bawat taon sa paggunita sa National Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day sa bansa.
Ito ay matapos ilabas ng Malacañang ang Proclamation No. 700 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong October 2.
Ayon sa bagong proklamasyon, ang araw na ito ay para sa pag-alala sa mga sanggol na pumanaw ilang sandali lamang matapos ang kanilang kapanganakan.
Layon din ng proklamasyon na ilaan ang araw na ito sa pagpapabuti ng kamalayan ng mga mamamayan na marami ang humaharap sa ganitong mga sitwasyon, pati na rin ang pagbibigay ng suporta sa mga apektadong pamilya.
Kabilang sa tulong na hangad na maibahagi sa mga apektadong pamilya ang mental health services at patnubay sa kalusugan.
Inatasan din ang iba’t ibang departamento ng pamahalaan para gumawa ng mga programa at hakbang sa pagpapalawig ng paggunita sa naturang araw.
Hinihikayat ng gobyerno ang pagbibigay ng suporta ng lahat ng antas ng pamahalaan, non-government organizations (NGOs), at pribadong sektor. #