Nonito Donaire, target maging isa sa pinakamatandang world boxing champion
Muling sasabak para sa isang world title fight ang boxing legend na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. sa December 17.
Target ng 43-anyos na boksingero na maging ikatlong pinakamatandang world champion sa kasaysayan. Ngunit mangyayari lamang ito kung makapagtatala siya ng panalo kontra sa Japanese contender at 29-anyos na si Seiya Tsutsumi.

Nabigyan ng pagkakataon si Donaire matapos umatras ang dating WBA champion na si Antonio Vargas dahil umano sa personal na kadahilanan.
Bilang kasalukuyang interim titleholder, pormal na kinumpirma ng mga international boxing outlet na siya ang papalit upang makipagtunggali kay Tsutsumi.
Sa laban ni Donaire, bitbit niya ang record na 43 wins, 28 knockouts, at 8 losses, kabilang ang apat na world titles mula sa iba’t ibang weight divisions.
Huling lumaban ang The Filipino Flash nitong Hunyo kontra kay Andres Campos kung saan nakuha ang panalo via technical decision.

Itinuturing ng iba’t ibang boxing enthusiasts na magiging sagupaan ng bilis at youth advantage ang mangyayaring laban sa Disyembre, lalo’t kilala si Donaire sa kanyang matitinding suntok at knockout power.
Positibo naman ang suporta ng Pinoy boxing fans sa pagkakataong makagdagdag si Donaire ng bagong tagumpay bago tuluyang magretiro sa kanyang makulay na karera. #
