Night patrol operations sa Central Luzon, mas pinaigting ng PRO 3
Nasa mahigit 2,000 pulis ang sabay-sabay na idineploy ng Police Regional Office 3 (PRO 3) sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon bilang parte ng pinaigting na night patrol operations na layong tiyakin ang kaligtasan ng publiko tuwing gabi.
Ayon kay PRO 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, ang deployment ng mga night patrollers ay bahagi ng direktibang ibinaba mula sa Malacañang at tanggapan ng PNP Chief na nakatuon sa pagpigil sa kriminalidad at pagpapatatag ng presensya ng pulisya sa mga lugar na itinuturing na may kritikal na banta ng panganib.






Sinimulan ang operasyon nitong gabi ng May 28, kung saan ipinwesto ang mga miyembro ng kapulisan sa mga urban centers, commercial center, transport terminal, at matataong lugar sa buong Gitnang Luzon. Karamihan sa mga ito ay mula sa maneuver units ng Police Provincial Offices at ng Regional Mobile Force Battalion.
Ginagamit din ng PRO 3 ang makabagong teknolohiya gaya ng crime mapping at predictive policing upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang seguridad.
Sinabi ni Fajardo na mahalagang manatiling visible ang kapulisan upang mabilis na makaresponde at maiwasan ang anumang insidente ng karahasan o krimen. #
