NFA sa LGUs: Bilisan ang pagkuha ng stock ng bigas
Nanawagan ang National Food Authority (NFA) sa mga lokal na pamahalaan na bilisan ang pagkuha ng mga stock ng bigas upang lumuwag na ang espasyo sa kanilang mga warehouse.

Sa isang press release ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na mahalaga ito upang makabili pa sila ng mas maraming palay mula sa mga lokal na magsasaka ngayong papalapit ang harvest season at maiwasan ang pananamantala ng mga negosyanteng nagmamanipula ng presyo.
Aniya, kapag nailabas na ang kasalukuyang stock ng bigas, mas marami silang mabibiling palay sa mas makatarungang presyo na makakatulong sa mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, ibinebenta ang NFA rice sa pamamagitan Food Terminals Inc. (FTI) ng DA sa halagang ₱33 hanggang ₱35 kada kilo.
Matatandaang noong February 3, nagdeklara ang DA ng food security emergency sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. Kaya’t inatasan ng ahensya ang NFA na ibenta sa mga LGU ang kanilang stock ng bigas para mapababa ang presyo nito.
Nagsimula nang kumuha ng bigas mula sa NFA ang San Juan City, habang nakatakdang sumunod ang Navotas, Cotabato, at Camarines Sur na may pending orders na mahigit 120,000 sako ng bigas, ayon sa FTI.
Samantala, hinikayat naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang NFA at FTI na gawing mas mabilis at madali ang proseso ng pagbili ng bigas, kabilang ang pagbibigay ng mas magaan na paraan ng pagbabayad para sa mga LGU. #