NFA rice, ibinebenta ng DA sa piling LGUs
Nagsimula nang magpamahagi ng stock ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) ang Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules, February 19 sa piling local government units na nais bumili nito.
Ang pamamahagi ng NFA rice ay kasunod ng deklarasyon ng DA ng National Food Security Emergency sa bigas dalawang linggo na ang nakalilipas.
Sa isang turn-over ceremony na isinagawa sa NFA warehouse sa Valenzuela City, opisyal na ipinagkaloob ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang unang batch ng rice supplies kay San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora na siya ring Presidente ng Metro Manila Council at Chairman ng Regional Peace and Order Council.

Ayon sa DA, bukod kay Mayor Zamora, may 67 pang LGUs sa buong bansa ang nagpakita ng kanilang interes sa pagbili ng rice stock galing sa NFA sa halagang ₱33 kada kilo na maaari namang ibenta sa mga consumer ng ₱35 kada kilo.

Kaugnay nito, mabibili na ang naturang NFA rice sa ilang palengke sa susunod na linggo, batay sa DA.
Samantala, umaasa naman ang kalihim na mas dadami pa sa mga susunod na araw ang mga LGU na magpapakita ng interes sa hakbang na ito.
Plano umano ng NFA na maglabas ng 250,000 metric tons ng bigas kada buwan ngayon nagdeklara ng food security emergency ang bansa na maaari pang madagdagan kung kinakailangan.

Ayon sa DA, maliban sa food security, layon din ng kanilang ginagawang hakbang na paluwagin ang mga bodega ng NFA para may mapaglagyan ang mga papasok na lokal na ani ng mga magsasaka. #