NBI, magsasampa ng kaso sa ₱300-M ‘ghost flood control projects’ sa Bulacan

Nakatakdang magsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng tatlo umanong “ghost flood control projects” sa Bulacan na nagkakahalaga ng halos ₱300 million.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakumpirma ng NBI ang kawalan ng aktwal na proyekto sa probinsya, batay na rin sa mga reklamong isinumite sa “Sumbong sa Pangulo” website. Hindi naman pinangalanan ng Kalihim ang mga proyekto at contractor nito.
Ani Remulla, tila naging “pattern” ang pondong inilaan sa mga proyekto na pumapalo sa mahigit ₱90 million kada isa. Dahil dito, tiniyak niya na hindi palalampasin ng pamahalaan ang anomalya at tuloy-tuloy ang gagawing imbestigasyon hanggang makapaghain ng kaso.
Samantala, nilinaw din ng Kalihim na wala siyang ibinigay na “assurance” kay Senator Rodante Marcoleta hinggil sa posibilidad na gawing state witnesses ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Aniya, hindi basta-basta ang proseso ng paghirang ng state witness dahil kinakailangan itong sumailalim sa masusing pagsusuri.
Dagdag pa ng Kalihim, kabilang sa mga tinitingnan ang record ng mga Discaya bilang mga kontratista bago magpasya kung maaari silang maging witness. Tiniyak din niya na magiging masusi ang Department of Justice (DOJ) sa pagtugon sa isyu. #
