Nationwide School Safety Drill ng DepEd, ipagpapaliban muna
Ipagpapaliban muna ang isasagawang Nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack Incidents na itinakda ng Department of Education (DepEd) sa Martes, August 25.
Sa isang interview sa radyo ni Education Secretary Sonny Angara, sinabi niyang pinakikinggan ng kagawaran ang mga eksperto at nirerespeto nito ang kanilang pananaw.
Nitong Sabado, August 22, nang manawagan ang Philippine Psychiatric Association (PPA) at Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry (PSCAP) na i-postpone ang nasabing simulation activity.


Anila, bagama’t mahalaga ang paghahanda para sa kaligtasan ng mga estudyante, hindi raw nararapat ang mga hyper-realistic simulation dahil mas pwede pa umano itong magdulot ng takot o psychological harm sa mga bata.
Binigyang-diin din ng mga eksperto na dapat maging ‘trauma-informed’ at grounded sa mga scientific evidence ang anumang pamamaraan ng seguridad sa mga paaralan.
Iminungkahi naman nila na palitan ang mga ‘live simulation’ ng mga tabletop exercise o talakayan sa pagitan ng mga guro, opisyal, at magulang upang pag-usapan ang mga dapat gawin sakaling may emergency. #
