National AI Center, malaking tulong sa edukasyon: DepEd
By Acel Fernando, CLTV36 News
Malaki umano ang magiging epekto sa sektor ng edukasyon ng paglulunsad ng National Artificial Intelligence Center for Research and Innovation (NAICRI) na pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST), ayon sa Department of Education (DepEd).
Ang NAICRI ay itinatag bilang bahagi ng plano ng administrasyon ni Ferdinand Marcos, Jr. na paunlarin ang paggamit ng artificial intelligence sa bansa, kabilang ang pananaliksik at teknolohiya.
Ayon sa DepEd, ang pagkakaroon ng isang pambansang AI center ay may kaugnayan sa mga isinasagawang reporma ng ahensya, tulad ng digital systems, workforce development, at pamamahala ng data.
Sinabi ng kalihim ng ahensya na si Sonny Angara na mahalagang paghandaan ang epekto ng AI sa edukasyon, lalo na sa mga mag-aaral at guro, at tiyaking may malinaw na mga patakaran sa paggamit nito.
May mga kasalukuyang proyekto na ang DepEd na gumagamit ng AI, kabilang ang mga sistema para sa school data, automated exams ng school heads, at mabilis na pagkuha ng education information ng mga kawani.
Naglabas din ang DepEd ng guidelines sa paggamit ng AI sa basic education. Nakasaad dito ang mga limitasyon sa paggamit ng AI, partikular sa mga maaaring makapinsala sa mga bata, at ang pagsunod sa data privacy at child protection laws.
Dagdag pa ng DepEd, patuloy nitong susubaybayan ang paggamit ng AI sa edukasyon habang isinasagawa ang mga pagbabago sa sistema ng basic education. #
