MSRP sa itlog at bawang, posibleng ipataw ng Department of Agriculture
Pinag-aaralan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng pagtatakda ng maximum suggested retail price (MSRP) para sa bawang upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo nito.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., bagaman matagal nang pinag-uusapan ang panukala, ipinagpaliban muna ito matapos bumaba ang presyo ng bawang sa ₱100 kada kilo mula sa dating ₱160.
Ayon sa DA, ang dating mataas na presyo ng bawang ay halos doble ng estimated landed cost na ₱80 kada kilo. Dahil sa pagbagsak ng presyo, hindi pa kinailangang ipatupad ang MSRP. Gayunpaman, kung muli raw tataas ang presyo, agad nilang ipatutupad ang nasabing panukala.
Bukod sa bawang, mahigpit ding binabantayan ng ahensya ang presyo ng itlog. Ayon sa Kalihim, nananatili ang presyo nito sa ₱6-₱8 kada piraso, mas mababa sa naiulat na ₱10-₱12. Tumaas daw kasi ang demand sa itlog dahil sa election spending at mas mataas na mortality rate ng manok dulot ng mainit na panahon.
May mungkahi ring magtakda ng MSRP para sa itlog, ngunit kailangan muna umanong kumonsulta sa mga stakeholder upang hindi maapektuhan ang industriya.
Samantala, patuloy naman ang pagsisikap ng DA na panatilihing abot-kaya ang presyo ng bigas at baboy. Nitong Lunes, March 31, ibinaba ng ahensya ang MSRP ng imported rice sa ₱45 kada kilo mula ₱49. Kasabay ito ng pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Para sa baboy, itinakda ang MSRP nito sa ₱380 kada kilo para sa liempo at ₱350 naman sa kada kilo ng kasim at pigue. Bagama’t kinakitaan ng pagbuti sa pagsunod sa itinakdang presyo, aminado pa rin ang DA na hindi pa ito perpekto. #