Month-old babies, maaari nang iparehistro sa National ID System
By Acel Fernando, CLTV36 News
Inanunsyo na ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maaari nang iparehistro sa National ID System ang mga sanggol na wala pang isang taong gulang.
Ayon sa PSA, kailangang rehistrado na sa National ID system ang magulang o guardian ng bata dahil ili-link ang kanilang ID number.
Sa proseso naman ng pagpaparehistro, dapat personal na samahan ng rehistradong magulang o guardian ang bata at magdala ng isa sa mga sumusunod na dokumento bilang patunay ng pagkakakilanlan:
• Certificate of Live Birth mula sa PSA o Local Civil Registry Office (LCRO)
• Report of Birth mula sa PSA o Philippine Foreign Service Post (PFSP)
• Certificate of Foundling mula sa PSA
• Certificate of Foundling or Certificate of Live Birth or Persons with No Known Parent/s, mula sa PSA
• Municipal Form No. 102 mula sa Local Civil Registry Office (LCRO)
• Philippine Passport or ePassport mula sa Department of Foreign Affairs (DFA)
• Anumang dokumento na naglalaman ng buong pangalan ng bata, petsa at lugar ng kapanganakan, buong pangalan ng ina, at buong pangalan ng ama (kung kinikilala ang ama).

Sa kasalukuyan, tanging demographic information at front-facing photograph lamang ng bata ang kukunin.
Ang kumpletong biometric data tulad ng fingerprints, iris scan, at updated na larawan ay kukunin kapag umabot na ang bata sa edad na 5.
Para sa karagdagang impormasyon at mga update tungkol sa proseso ng pagpaparehistro, maaaring bisitahin ang official Facebook page ng PSA Philippine Identification System o magtungo sa pinakamalapit na PSA registration center sa inyong lugar. #