Mga ulat ng magnitude 8 na lindol, hindi pananakot kundi gabay sa paghahanda: PHIVOLCS
Mga earthquake at tsunami scenarios lamang daw ang mga ulat hinggil sa posibilidad ng pagtama ng magnitude 8 na lindol sa bansa, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa director ng ahensya na si Dr. Teresito Bacolcol, posibleng maranasan ang magnitude 8.1 earthquake kung gagalaw ang Philippine Trench, habang magnitude 8.3 earthquake naman kung ang Manila Trench sa West Philippine Sea ang gumalaw.
Gayunpaman, ipinaliwang niya na ito ay pawang mga “possible situation” lamang batay sa mga siyentipikong pag-aaral at hindi isang prediksyon o pananakot. Iginiit din niya na walang tiyak na panahon kung kailan ito mangyayari.
Binibigyang-diin ng PHIVOLCS na layunin ng mga ganitong senaryo na magsilbing gabay para sa tamang paghahanda at hindi upang magdulot ng takot sa publiko.
Pinaalalahan din ng ahensya ang publiko na palaging maging handa sa anumang kalamidad o sakuna. Hinimok din ang lahat na tiyaking mula sa kanilang official website at social media accounts ang mga balitang kanilang paniniwalaan para sa kaligtasan ng bawat isa. #
