Mga tumbler na may high lead content, banta sa kalusugan ng mga bata: environmental group
Nagbabala ang isang environmental watchdog laban sa pagbebenta ng mga insulated steel tumbler na may pintura umanong naglalaman ng mataas na level ng lead, isang toxic substance na labis na mapanganib sa kalusugan lalo sa mga bata.
Ayon sa EcoWaste Coalition, ilang araw matapos ang pagbubukas ng klase, nakabili ang kanilang mga volunteer ng mga unbranded tumbler sa mga bangketa ng Binondo at Quiapo sa Maynila. Agad nila itong isinailalim sa X-Ray Fluorescence (XRF) analysis para matukoy ang chemical composition ng mga ito.
Lumabas sa resulta na ang labas ng 11 tumbler na binili ay may lead content na lampas sa legal limit na 90 parts per million (ppm). Pinakamataas ang content ng isang plain yellow tumbler na may 600ml capacity, na umabot sa 61,850 ppm.

Habang ang iba pang kulay ng tumbler tulad ng orange, apple green, rust orange, army green, red, light green, at cream ay nagrehistro din ng high level ng lead — mula 47,270 ppm below hanggang 1,532 ppm.
Dalawa pang tumbler na may cartoon character designs ang natuklasang may taglay na 4,500 ppm at 1,087 ppm ng lead.
Ipinaalala ng EcoWaste Coalition na simula pa noong 2016, ipinagbabawal na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa bisa ng Chemical Control Order (CCO), ang paggamit ng lead sa decorative paints, at sa industrial paints noong 2019. Ipinagbabawal din ang paggamit ng lead-containing paint sa mga school supplies, laruan, at iba pang produkto.

Bagama’t may umiiral na batas, nababahala ngayon ang EcoWaste sa talamak na bentahan ng mga ganitong produkto. Anila, maaari kasing mag-flake o kumupas ang pintura sa mga tumbler sa araw-araw na gamit, na maaaring pagmulan umano ng accidental ingestion ng mapanganib na substance.
Tinukoy rin ng grupo ang pahayag ng Partnership for a Lead-Free Future na nagsasabing mas mataas ang antas ng pagsipsip ng lead ng katawan ng mga bata kumpara sa matatanda, na maaaring humantong sa irreversible neurological damage, pagbaba ng IQ, behavioral issues, at cognitive delays.
Nanawagan naman ang EcoWaste sa national government na magtalaga ng ahensiyang mangangasiwa sa regulasyon ng lead sa consumer products gaya ng tumbler, at tiyaking agad itong matanggal sa merkado para sa kaligtasan ng publiko. #
