Mga Pinoy na walang trabaho, bumaba sa 3.8% ngayong September 2025: PSA

Sa gitna ng pabago-bagong takbo ng ekonomiya at papalapit na holiday season, nananatiling maselan ang sitwasyon ng labor market sa bansa. Habang may mga industriyang patuloy ang pagdaloy ng oportunidad, may ilan namang ramdam ang paghina ng hanapbuhay.
At sa pinakabagong September 2025 Labor Force Survey, mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, November 6, may mga numerong dapat bantayan.
Ayon sa PSA, nasa 1.96 milyon ang bilang ng mga Pilipinong unemployed o walang trabaho nitong Setyembre. Mas mababa ito kumpara sa 2.03 milyon noong August 2025, ngunit mas mataas naman sa 1.89 milyon na naitala noong September 2024.
Katumbas ito ng 3.8% unemployment rate na big sabihin, 38 sa bawat 1,000 Pinoy na nasa labor force ang wala pa ring trabaho o negosyo.
Samantala, bahagya namang tumaas ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho. Mula sa 96.1% noong August 2025, nasa 96.2% na ito nitong Setyembre — mas mababa pa rin sa 96.3% na naitala noong September 2024.
Ang naturang porsyento ay katumbas ng 49.60 milyong Pinoy na may trabaho nitong September 2025.
Nangunguna pa rin ang services sector bilang pangunahing contributor sa kabuuang employment rate na may 61.3% share, sinundan ng agriculture sa 20.9%, at industry sector sa 17.8%.
Sa usapin naman ng sub-sectors, nangunguna ang construction sector sa nag-ambag sa bahagyang pagtaas ng bilang ng mga may trabaho. Nakapagtala ito ng halos 514,000 bagong empleyado, na karamihan ay mula sa pagtatayo ng gusali, plumbing, at mga utility project.
Sumunod sa construction ang fishing and aquaculture sector, accommodation and food service, human health and social work, at agriculture and forestry.
Tumaas din ang bilang ng mga underemployed o mga empleyadong may karagdagang work hours o may mahigit sa isang trabaho. Nasa 11.1% ito nitong September 2025, mas mataas sa 10.7% noong August ng kaparehong taon.
Sa kabila nito, nananatili pa ring mababa ang kabuuang labor force participation rate ng bansa sa 64.5%, mas mababa sa 65.1% noong August 2025 at 65.7% noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ipinahihiwatig nito na mas kaunti pa rin ang mga Pilipinong aktibong naghahanap ng trabaho sa bansa. #
