Mga Pilipinong domestic worker sa Hong Kong, pinag-iingat sa surrogacy jobs at visa fixers
Pinag-iingat ng Philippine Consulate General sa Hong Kong ang lahat ng Pilipino, lalo na ang mga Migrant Domestic Worker (MDW), kaugnay ng mga delikadong surrogacy job offer sa bansang Georgia at iba pang bansa.

Ayon sa konsulado, may ilang ulat silang natanggap tungkol sa isang sindikato na target ang mga MDW sa Hong Kong na nawalan ng trabaho para hikayating maging surrogate mother sa Georgia. Pinalalabas umano ng sindikato na magbabalik-trabaho lamang sa Hong Kong ang mga MDW, ngunit kalaunan ay dinadala sila sa United Arab Emirates (UAE) o Qatar bago tuluyang ipadala sa Georgia.
Pagdating sa Georgia, may mga kaso umanong naiulat na ang ilang MDW ay nagiging biktima ng panggagahasa at sapilitang pagpapalaglag.

Bukod sa illegal surrogacy, nagbabala rin ang konsulado laban sa mga visa fixer na nagpapanggap na kinatawan ng mga lehitimong employment agency. Ayon sa ulat, naniningil umano ang mga ito ng HK\$20,000 hanggang HK\$25,000 kapalit ng serbisyo gaya ng paghahanap ng visa sponsor para makapagtrabaho bilang foreign domestic helper sa Hong Kong.
Ipinapangako raw ng mga fixer sa MDW na pwede silang manatili at magtrabaho sa Hong Kong kahit hindi sila nagtatrabaho sa employer na nakasaad sa kanilang Standard Employment Contract. Gayunpaman, ilang Pilipinong MDW na ang naaresto at nahatulang nagkasala ng False Representation to an Immigration Officer dahil sa pagsali sa ganitong modus.

Ayon sa batas ng Hong Kong Immigration Ordinance, ang naturang paglabag ay may kaparusahang multa na aabot sa HK\$150,000 at pagkakakulong ng hanggang 14 na taon.
Sa huli, hinikayat ng konsulado ang mga Pinoy sa Hong Kong na tanggapin lamang ang mga alok na trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga lisensyadong Philippine recruitment agency at accredited employment agency sa Hong Kong. #
