Mga palpak na water joint venture, ire-review at pananagutin: LWUA
Nangako ang Local Water Utilities Administration o LWUA na pananagutin ang mga private partner ng mga local water district na pumalpak sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa tubig.
Kasunod ito ng direktibang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang 4th State of the Nation Address nitong Lunes, July 28.

Ayon kay LWUA Administrator Jose Moises Salonga, inihahanda na ng ahensya ang isang malawakang hakbang upang suriin at ayusin ang mga joint venture agreement o JVA na umano’y naging sanhi ng matinding aberya sa supply ng tubig sa ilang lugar.

Dagdag ni Salonga, magiging bahagi ito ng “whole-of-government approach” para tiyaking maibalik ng maayos ang serbisyo.
Matatandaang isa sa mga binigyang-diin ni President Marcos sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng malinis at abot-kayang tubig, lalo na sa mga liblib na lugar, at binalaan ang mga nagpapabaya na pananagutin sa ilalim ng umiiral na batas. #
