Mga manggagawa, nagkasa ng kilos-protesta sa Angeles City ngayong Labor Day
Daan-daang manggagawa mula sa iba’t ibang sektor ang nagtipon sa Plaza Miranda, Angeles City nitong Miyerkules, May 1, upang gunitain ang Labor Day sa pamamagitan ng isang kilos-protesta.


Ipinapanawagan ng mga grupo sa pamahalaan ang regular na trabaho, disenteng sahod, at serbisyong panlipunan para sa lahat.
“Lugmok pa rin sa kahirapan ang mas maraming mamamayang Pilipino. Walang tunay na pag-angat. Ang sahod ay hindi sapat upang mabuhay nang may dignidad, at miserable pa rin ang kalagayan ng mga manggagawa na tila alipin sa ilalim ng kontraktwalisasyon,” mariing pahayag ni Noel De Mesa, Tagapangulo ng Alyansa ng Manggagawa sa Bataan – Workers for People’s Liberation (AMBA-WPL), bilang mensahe ngayong Araw ng Paggawa.


Pinangunahan ng Workers for Peoples Liberation (WPL) ang pagkilos kasama ang iba’t ibang sektor bilang pakikiisa sa paggunita sa pandaigdigang araw ng paggawa.
Hindi maramdaman ng mamamayan ang sinasabing pag-unlad ng ekonomiya lalo na ng uring manggagawa. Sa 51 milyong labor force, 77% dito ay nasa informal o agency-hired na trabaho—walang benepisyo at walang seguridad; tanging 19% lamang ang may regular na trabaho, ayon sa PSA 2025 Labor Force Survey.


Sa National Capital Region, 60% ng mga pamilya ay naninirahan sa mga delikado o hindi maayos na pabahay, at halos kalahati ay umaasa na lamang sa awa ng mga landlord (HUDCC 2024 Report).
Samantala, 30% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakaraang tatlong buwan, malinaw na patunay na ang “inclusive growth” ay isang malaking kasinungalingan (SWS Q1 2025 Survey). Sa usapin ng kalusugan, sa bawat 100 Pilipino na may emergency medical needs, 50 lamang ang nakakakita ng doktor—ang natitira ay pinipilit tiisin ang sakit o napipilitang mangutang (DOH 2024 Access to Care Report).


Hindi rin ligtas ang kabataan, dahil sa bawat 100 batang pumapasok sa elementarya, walo lamang ang nakakatapos ng kolehiyo, na lalong nagpapalalim sa siklo ng kahirapan at kawalan ng pag-asa para sa kinabukasan (DepEd 2025 Completion Rate Study).
“Marami sa aming kabataan ang napagkakaitan ng karapatang magkaroon ng sapat na edukasyon dahil sa kakapusan sa kita at sahod na hindi sapat. Sa araw-araw na gastusin sa pagkain, pamasahe at iba pang pangangailangan ubos na ang sahod na tinatanggap ng aming magulang,” ani Josh Camacho ng YND-Bataan.


Samantala, sa kabilang banda, ang mga kapitalista ay gumagamit ng mga mabulaklak na salita upang itago ang tunay na kalagayan ng manggagawa at mga patakarang lalo pang nagdudulot ng kahirapan sa mamamayan lalo na sa masang manggagawa. Hindi “dasurv” ng mga manggagawa na lumilikha ng yaman, pagkain ng bansa, motor na nagpapatakbo at nagbibigay-buhay sa ekonomiya ng lipunan, ang kasalukuyang pagtrato at lip service na serbisyo publiko ng pamahalaan.

Pagod na tayo sa mga boladas at hokus-pokus na pag-unlad na hindi nararamdaman ng mamamayan. Ang kailangan namin ay ang ekonomiyang nakasandig sa tunay na industriyang lilikha ng hanap-buhay para sa maraming mamamayan , programa na magbibigay ng sapat na benepisyo at suportang serbisyo sosyal gaya ng pabahay, edukasyon, kalusugan at iba pang pangangailangan para sa disente at makataong pamumuhay para sa lahat.

Sa pagtatapos ng programa, muling inulit ng mga lider-manggagawa ang kanilang panawagan para sa:
• Living wages na nakakasabay sa inflation
• Regular na trabaho na may kumpletong benepisyo
• Abot-kayang serbisyong panlipunan
• Karapatan sa paninirahan, kalusugan, at edukasyon
Ngayong Mayo Uno, sabay-sabay tayong manindigan. Hindi lang ito laban ng manggagawa—ito ay laban ng sambayanan.
TRABAHONG REGULAR, DISENTENG SAHOD, AT SERBISYONG PANLIPUNAN PARA SA LAHAT—HINDI PANSAMANTALANG AYUDA!
For reference:
Emily Fajardo
Alyansa ng mga Manggagawa sa Bataan- WPL
09237298768
