Mga mambabatas at opisyal mula sa Mindanao, naghain ng petisyon kontra impeachment complaint ni VP Sara
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema nitong Martes, February 18, ang ilang mga mambabatas at opisyal mula sa Mindanao, kasama ang mga taga-suporta ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay upang ipahinto ang isasagawang impeachment trial ng Senado laban sa bise, kung saan iginiit nila ito ay isang “defective” na complaint.
Sa kanilang petisyon, hinihiling nila sa Kataas-taasang Hukuman na maglabas ng temporary restraining order (TRO) na mag-uutos sa Senado na gawing “cease and desist” ang pagsasagawa ng impeachment trial.
Nakiusap din sila sa korte na ideklarang “null and void” ang naturang impeachment complaint dahil bigo umano ang Kamara na matugunan ang mga rekisito ng konstitusyon sa pag-verify at tamang pagsisimula ng paglilitis.
Ang naturang petisyon ay inihain ng 28 indibidwal, sa pangunguna nina Atty. Israelito Torreon, na naging isa sa mga legal counsel ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy; Atty. Martin Delgra III na naging chair ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte; at si incumbent councilor ng Davao City na si Atty. Luna Acosta.

Binanggit din nila, bukod sa iba pang isyu, ang umano’y “malisyosong” kawalan ng aksyon ng Kongreso sa unang tatlong impeachment complaint na isinampa noong Disyembre. Ang mga ito ay kalaunang nai-archive o naisantabi na lamang matapos ihain ang ikaapat na impeachment complaint na sa huli ay inendorso ng 215 mamababatas sa Kamara at ipinadala sa Senado hapon noong February 5.
Nilinaw naman ng mga naghain ng petisyon na ito ay kanilang inisyatiba at walang kinalaman si VP Sara sa kanilang ginawa.
Samantala, ngayong Miyerkules ng umaga, February 19, kinumpirma ni Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting na naghain na rin ng petisyon nitong Martes, February 18, ang bise presidente sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa validity at constitutionality ng 4th impeachment complaint na ipinasa ng House of Representatives (HoR).
Nahaharap sa reklamo si VP Duterte dahil sa umano’y culpable violation niya sa konstitusyon, bribery, graft and corruption, at betrayal of public trust. #