Mga kaso ni ex-Mexico Mayor Tumang, 7 iba pa, tuluyan nang ibinasura ng Sandiganbayan
Kinatigan ng Sandiganbayan Second Division ang nauna nitong desisyon na ibasura ang mga kasong graft at malversation laban kay dating Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang at pitong iba pang indibidwal.
May kaugnayan ang mga naturang kaso sa umano’y iregularidad sa procurement ng construction materials noong 2009 at 2010.
Tinanggihan ng anti-graft court ang inihaing mosyon ng prosekusyon na baligtarin ang naunang ruling na nagkaloob ng ‘demurrer to evidence’ sa mga akusado noong September 3, 2025.
Ayon sa Korte, nabigo ang mga tagausig na magpakita ng sapat at matibay na ebidensya na susuporta sa hatol na guilty sa mga akusado ukol sa kapabayaan sa pag-award ng mga kontrata sa Buyu Trading and Construction kahit walang naganap na public bidding.
Dagdag pa ng Sandiganbayan, wala ring bagong mahalagang argumento o ebidensyang iniharap ang prosekusyon upang baguhin ang pasya ng korte.
Una nang sinabi ng mga akusado na kinailangan nilang pabilisin ang pagbili ng materyales dahil sa hindi maayos na kalagayan ng mga kalsada noon sa bayan, na nagiging sanhi ng pagbaha at sagabal sa pagdadala ng relief goods.
Dahil dito, tuluyang naabsuwelto sina Tumang, ang may-ari ng Buyu Trading and Construction na si William Colis, at iba pang opisyal ng munisipyo sa kabuuang 64 counts ng graft at pitong counts ng malversation.
Bukod dito, inalis na rin ang mga hold departure order laban sa kanila. #
