Mga hakbang laban sa epekto ng energy crisis sa Clark, inilatag ng CDC
Tiniyak ng Clark Development Corporation (CDC) ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng tumitinding global energy crisis sa loob ng Clark Freeport Zone.
Ayon kay CDC President and CEO Atty. Agnes VST Devanadera, bahagi ng kanilang programa ang pagpapalawak ng access sa Kadiwa stores at Food Terminal upang matiyak ang sapat at abot-kayang food supply para sa mahigit 150,000 manggagawa sa economic zone.
Aniya, tugon ito sa kasalukuyang problema, lalo na’t posibleng mas maraming empleyado ang maaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nilinaw naman ng CDC chief na ang ilang ayuda mula sa national government para sa mga manggagawa ay hindi direktang sakop ng kanilang tanggapan, dahil karaniwang isinasagawa ang implementasyon nito sa pakikipagtulungan sa mga local government unit (LGU) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Samantala, sinabi rin ni Devanadera na walang problema sa supply ng kuryente sa loob ng economic zone at wala pang pagtaas sa generation charge para dito. #
