Mga gurong nagsilbi sa Halalan 2025, makatatanggap ng dagdag honoraria
Hindi lang dagdag kita kundi pagpapahalaga sa kanilang serbisyo ang hatid ng karagdagang honoraria para sa libu-libong guro at election workers na nagsilbi nitong 2025 National and Local Elections.
Sa utos ni President Ferdinand Marcos, Jr., inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang karagdagang ₱1,000 na honoraria para sa bawat poll worker — bukod pa ito sa ₱2,000 across-the-board increase na nauna nang ibinaba bago ang halalan.
Kabuuang ₱758.459-milyong pondo naman ang inilaan para sa dagdag na honoraria, alinsunod sa layuning kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro at iba pang tagapaglingkod nitong eleksyon.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, layunin nitong tiyakin na patas ang kompensasyong matatanggap ng mga nagsilbing frontliners ng botohan.
Nagpasalamat naman si Education Secretary Sonny Angara at iginiit na ito ay patunay ng suporta at respeto ng pamahalaan sa mga guro na karamihan ay nagtrabaho hanggang dis-oras ng gabi upang matiyak ang maayos at mapayapang halalan.
Batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), nasa 758,549 ang kabuuang bilang ng poll workers na karamihan ay public school teachers. Ayon sa Komisyon, matatanggap nila ang buong election compensation, kasama ang mga nadagdag, sa loob ng sampung araw matapos ang botohan.
Idiniin ni Angara na ang voter turnout na umabot sa 81.65%, na pinakamataas sa kasaysayan ng eleksyon, ay patunay umano ng malaking ambag ng mga guro sa tagumpay ng halalan. #
