Mga guro at kawani ng DepEd, tatanggap ng ₱7,000 medical allowance
Makatatanggap ng ₱7,000 medical allowance ngayong taon ang mga public school teacher at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd), ayon sa itinakdang patakaran sa ilalim ng DepEd Order No. 16.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palawakin ang suportang pangkalusugan para sa mga empleyado ng gobyerno.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng medical allowance na mabawasan ang pangamba ng mga guro at kawani sa usapin ng mga gastusing medikal, at bilang pagkilala na rin sa kanilang patuloy na dedikasyon sa serbisyo.
Maaaring makuha ang allowance sa tatlong paraan: una, sa pamamagitan ng group enrollment sa DepEd-procured health maintenance organization (HMO) packages; ikalawa, sa individual enrollment ng bago o renewal ng HMO-type products sa pamamagitan ng payroll; at ikatlo, bilang direct cash payment sa mga lugar na walang access sa HMO services, kabilang ang mga geographically isolated at disadvantaged areas.
Saklaw ng benepisyong ito ang mga permanent, co-terminus, fixed-term, casual, o contractual na empleyado ng DepEd na nakapagsilbi ng hindi bababa sa anim na buwan sa taong 2025. Hindi kasama rito ang mga consultant, job order personnel, apprentice, at student laborers.
Ang ₱7,000 allowance ay ibibigay batay sa umiiral na panuntunan ng budget, procurement, at auditing ng pamahalaan, alinsunod sa DBM Circular No. 2024-6. #
