Mga apektado ng bagyong Crising at habagat sa Region 3, hinatiran ng tulong ng kapulisan at LGU volunteers
Nagtulungan ang mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 3 at mga lokal na pamahalaan sa Central Luzon sa paghahatid ng agarang tulong sa mga komunidad sa rehiyon na labis na naapektuhan ng malawakang pagbaha at masamang panahon.



Kabilang sa mga ipinamahagi ng mga pulis at LGU volunteers ang food packs, malinis na inuming tubig, hygiene kits, at damit para sa mga pamilyang lumikas. Tumulong din ang PRO 3 personnel sa pagbabalot, pagbibiyahe, at aktuwal na pamamahagi ng mga donasyon.
Samantala, naglunsad ng “Libreng Sakay” ang PRO 3 nitong Martes, July 22, bilang tugon sa matinding pagbaha sa ilang bahagi ng rehiyon.
Agad na ipinakalat ang mga police vehicle at mobile patrol upang magsakay ng mga pasaherong nahirapang makauwi dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon.


Tiniyak din ng mga pulis na nasusunod ang safety protocols habang binabagtas ang mga kalsadang lubog sa baha.
Bukod dito, nagpatrolya rin ang kapulisan sa mga apektadong komunidad upang maiwasan ang anumang uri ng kriminalidad at upang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at rescue units. #
