Mayor ng San Rafael, Bulacan, tinangka raw kotongan sa CRK; kaanak ng customs officer, itinanggi ang mga paratang
Viral ngayon sa social media ang video ni San Rafael, Bulacan Mayor Cholo Violago na nagkukwento ng kaniyang masama umanong karanasan sa Clark International Airport (IATA: CRK) noong madaling araw ng Martes, September 10.
Ayon sa alkalde, tinangka raw siyang kotongan ng mga personnel ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark sa kanilang paglapag matapos makita ang dala niyang ₱400,000 na cash sa kaniyang bagahe. Giit ni Violago, legal na pera ito ng kanilang grupo na galing sa isang biyahe sa Thailand.
Dagdag pa ng alkalde, sinabihan pa siya na aregluhin na lang daw ang sitwasyon kaya naman daw ibinulgar niya ang insidente at may plano rin siyang magsampa ng karampatang kaso.
Samantala, sa isang Facebook post ng nagngangalang Aaisha Moumina na nagpakilalang kapatid ng isa sa mga customs officer na inaakusahan ni Violago na si Fatima Jehanne Domadalug, itinanggi nito na may naging iregularidad sa proseso.
May nakita raw kasi sa hand-carried bag ni Violago nang idaan ito sa X-ray machine kaya sila nagsagawa pa ng inspeksyon bagama’t “Nothing to Declare” daw ang nakalagay sa Passenger Declaration Form ng punongbayan.
Dito raw nadiskubre ni Domadalug ang apat na bundle ng tig-iisang libong piso.
Nang tanungin umano niya si Violago kung magkano ito, below ₱500,000 daw ang naging sagot ng mayor.
Binilang umano ng customs officer ang pera habang nakasuot ng body camera at napag-alaman na nagkakahalaga ito ng ₱400,000. Dito na raw nagpakilalang local chief executive ng San Rafael, Bulacan si Violago.
Bilang protocol, kinumpiska ng BOC ang pera at nag-isyu raw ng Held Baggage Receipt (HBR) si Domadalug kay Violago subalit tumanggi raw ang alkalde na pirmahan ito.
Ayon kay Moumina, pinagbantaan pa raw ni Violago ang kanyang kapatid na si Domadalug sa kabila nang paggampan lamang nito sa kanyang tungkulin. Dahil sa takot, pina-blotter ni Domadalug sa Aviation Security Unit ng Clark International Airport ang naging insidente.
Dagdag pa ni Moumina na nagpakilalang abogado, si Violago raw ang lumabag sa batas dahil hanggang ₱50,000 lamang ang pwedeng hindi na i-declare sa Customs.