Maximum tolerance, ipatutupad ng PNP sa ‘Trillion Peso March’ sa Nov. 30
Muling naghahanda ang Philippine National Police (PNP) para sa “Trillion Peso March” na nakatakdang isagawa ng iba’t ibang grupo sa November 30.
Magpapatupad ng “maximum tolerance” ang kapulisan para sa mga payapang nagpoprotesta at “zero tolerance” sa anumang karahasan.
Tiniyak din ng kapulisan na sapat ang kanilang tauhan at kagamitan upang mapanatili ang seguridad at kaayusan ng lahat ng kalahok.
Ayon kay acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Nartatez, Jr. na gagamitin ng kanilang hanay ang mga karanasan mula sa mga naunang rally para mapaigting ang kanilang crowd management.
Kabilang sa kanilang paghahanda ang pre-deployment ng tauhan, medical teams, at koordinasyon sa lokal na pamahalaan para sa mabilis na pagtugon sa anumang emergency.
May mga checkpoint at rapid response team ding naka-standby upang maiwasan ang mabigat na trapiko at posibleng aberya.
Pinayuhan ng PNP ang mga motorista at residente na magplano ng alternatibong ruta dahil inaasahan ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa mismong araw ng rally. #
