Masinloc and Oyon Bay sa Zambales, wagi sa 2025 Para el Mar Awards

Nasungkit ng Masinloc and Oyon Bay Protected Landscape and Seascape o MOBPLS sa Zambales ang unang pwesto bilang Outstanding Locally Managed Marine Protected Area sa 2025 Para el Mar Awards na ginanap sa Iloilo City.
Sakop ng MOBPLS ang mahigit 7,500 hectares sa mga bayan ng Masinloc at Palauig, Zambales. Ito rin ang kaisa-isang legislated marine protected area sa Central Luzon sa ilalim ng Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act of 2018.
Ayon kay Donaver Guevarra, head ng Protected Area Management Office, simbolo ng tagumpay ang pagkilala sa kanilang pagpapatupad ng participatory governance na nakabatay sa sama-samang pangangalaga ng kalikasan.

Para naman kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 3 Executive Director Ralph Pablo, ang parangal ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan upang mapangalagaan ang yamang-dagat ng rehiyon.
Bukod sa tropeo, tumanggap din ang MOBPLS ng ₱1 million para sa kanilang mga programa at proyekto gaya ng pagpapatibay sa coral cover, seagrass beds at mangrove forest, gayundin ang mas pinaigting na law enforcement at climate resiliency. #
