Mas malawak na police visibility, asahan ngayong Undas 2025

Kasabay ng inaasahang pag-uwi ng libo-libong Pinoy sa kani-kanilang probinsya upang gunitain ang Undas, nakahanda na ang mga otoridad para tiyaking ligtas at maayos ang magiging pagdagsa ng mga tao sa sementeryo, pantalan, paliparan, at lansangan sa buong bansa.
Sa isinagawang media forum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) nitong Martes, October 28, inihayag na mahigit 50,000 police personnel ang ide-deploy sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Mula rito, higit 2,000 ang itatalaga sa mga airport; 1,771 sa mga bus terminal; at mahigit din sa isanlibo sa mga pantalan upang umalalay sa dagsa ng mga biyahero.
Samantala, pinakamarami ang i-aassign sa mga sementeryo at columbaria, kung saan halos 36,000 pulis ang magbabantay para mapanatili ang kaayusan.
Hindi rin pababayaan ang mga motorista dahil nasa mahigit 6,000 personnel ang itatalaga sa motorist assistance hubs at pangunahing lansangan para sa traffic at road safety.
Bukod sa PNP, may dagdag pang 16,592 uniformed personnel mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang ahensya na tutugon sa emergency at public assistance.
Kasama rin sa pagbabantay ang halos 46,000 na force multipliers mula sa mga hanay ng barangay tanod, radio groups, at civic organization.
Kaugnay nito, naka-heightened alert o Code Blue na ang BFP at PNP simula nitong Martes, October 28. Itataas ito sa Code Red o full alert status pagsapit ng October 30 hanggang November 2. #
