Mas mahigpit na pet policy, ipatutupad ng CDC
Dapat bakunado.
Bahagi ito ng enhanced guidelines na inilabas ng Clark Development Corporation (CDC) para sa mga pet owner at carriers sa Freeport, CDC housing units, at sumasakay sa Clark Loop buses. Epektibo ito simula sa April 22, 2025.
Ayon sa CDC, dapat ipakita ang vaccination card ng alagang hayop tuwing may inspeksyon at dapat may tali rin daw ito kapag nasa public area tulad ng park at sidewalks.

Responsibilidad din daw ng may-ari na tiyaking kontrolado ang kanilang alaga at hindi magiging istorbo sa iba. Dagdag pa nila, dapat ding panatilihing malinis at walang masangsang na amoy ang alaga. Mahigpit ding ipatutupad ang proper disposal of pet waste gamit ang diaper o kaya ay plastic bags.
Sa loob naman ng CDC housing units, dapat hindi nakaaabala sa mga kapitbahay ang ingay na ginagawa ng mga alagang hayop. Ang mga hayop na walang tali o leash ay ituturing na “stray” o ligaw at maaaring ikulong ng mga otoridad, ayon sa CDC. Ipagbabawal din nila ang commercial breeding at paglilibing ng mga hayop sa loob ng Clark area.
Sa mga sasakay naman sa Clark Loop buses, one pet per passenger lamang ang papayagan. May itatalaga rin timbang para sa alagang hayop na isasakay. Dapat din itong nasa loob ng kulungan at may suot na diaper. Bawal din itong pakainin habang nasa biyahe.

Ang mga lalabag sa naturang guidelines ay maaaring magmulta ng ₱1,000 para sa first offense, ₱5,000 sa second offense, at ₱10,000 naman sa third offense. #