Mas mahigpit na pag-iingat sa kuryente, paalala ng SFELAPCO
Pinaalalahanan ng San Fernando Electric Light and Power Company (SFELAPCO) ang mga contractor, construction workers, at homeowners na laging panatilihin ang tamang distansya mula sa mga linya ng kuryente.
Ito ay kasunod ng mga naitalang sunod-sunod na insidente ng electrocution o pagkakuryente sa lungsod, na ang ilan ay nauwi pa sa kamatayan.
Ayon kay SFELAPCO Spokesperson Atty. Cathy Diaz, delikado at mataas ang boltahe ng kanilang mga linya kaya maaari umanong magdulot ng matinding pinsala kapag nadikitan.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang pakikipag-ugnayan muna sa kanilang kooperatiba bago magsagawa ng anumang aktibidad malapit sa mga power line.
Makatutulong din umano ang pagkakaroon ng wastong permit at pagsunod sa safety protocols para maiwasan ang panganib.
Hinikayat din ng SFELAPCO ang publiko na palaging ituring na “live” at mapanganib ang mga linya ng kuryente at unahin ang kaligtasan sa bawat gawain. #
