Mas mababang presyo ng bigas, asahan bago matapos ang Marso: Agri dept.

Patuloy na tinututukan ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng mga imported rice.
Kasunod ito ng umano’y matagumpay na pagpapatupad ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) na nagdulot ng pagbaba sa presyo ng bigas sa loob ng ilang linggo.
Mula sa dating ₱64 kada kilo nitong nagdaang Enero, bumaba ito sa ₱49 pagsapit ng Marso, at may posibilidad pa na bumaba hanggang ₱45 bago matapos ang buwan depende sa magiging takbo ng pandaigdigang merkado, ayon sa Kagawaran.
Inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na maaari pang ibaba ang MSRP ng imported rice kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo nito sa world market at mananatiling malakas ang piso kontra dolyar. As of March 20, nasa ₱57.222 ang palitan ng piso at dolyar mula sa dating ₱59 noong Nobyembre, batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Binigyang-diin din ng Kalihim na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kabilang ang pagtapyas ng taripa sa imported rice mula 35% patungo sa 15% noong July 2024.
Sa kabila ng mga pagbabago sa presyo, tiniyak naman ng DA na hindi maaapektuhan ang ₱30-bilyong pondong nakalaan para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na sumusuporta sa mga lokal na magsasaka ng bigas. Ang RCEF ay binuo sa ilalim ng Rice Tariffication Law ng bansa na layuning magkaloob ng pondo sa mga magsasaka para sa kanilang mga proyekto o programa.
Sinigurado rin ng ahensya na tuloy ang pondo para rito sa pamamagitan ng General Appropriations Act simula 2026 upang mapanatili ang kakayahan ng mga lokal na magsasaka na makipagsabayan sa pandaigdigang pamilihan.
Samantala, habang patuloy na bumababa ang presyo ng inangkat na bigas, nakatuon naman ang DA sa balanseng pamamahala ng merkado upang matiyak na makikinabang ang mga mamimili nang hindi nalalagay sa alanganin ang mga lokal na magsasaka. #