Mark Villar, pinakamayaman sa mga senador; Chiz Escudero, may pinakamababang SALN

Sa gitna ng umiinit na usapin sa transparency at accountability sa gobyerno, muling sumiklab ang interes ng publiko nang ilabas ang mga pinakabagong Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng mga senador.
As of October 28, 2025, nangunguna si Senator Mark Villar bilang pinakamayamang miyembro ng upper house na may ₱1.26 billion na net worth.
Sumunod sa kanya sina Sen. Raffy Tulfo at ang kanyang maybahay na si Rep. Jocelyn Tulfo na may ₱1.05 billion, at si Sen. Erwin Tulfo na may ₱497 million.
Sumunod si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na may ₱431.7 million, at si Senator Camille Villar na may ₱362 million.
Sina Senate President Pro Tempore Ping Lacson at Senator Robin Padilla naman ay parehong may mahigit ₱244 million.
Nasa ikawalong puwesto si Sen. Jinggoy Estrada na may ₱221 million, samantalang nagtala si Sen. Lito Lapid ng ₱202 million net worth.
Nasa ika-10 puwesto si Senate President Tito Sotto III na may ₱188.8 million.
May ₱137 million naman na net worth si Sen. JV Ejercito, at ₱128.3 million si Sen. Pia Cayetano.
Kasama rin sa talaan sina Sen. Win Gatchalian na may ₱89.5 million, Sen. Bam Aquino na may ₱86.5 million, at Sen. Loren Legarda na may ₱79.2 million.
Sa mababang bahagi ng listahan, nagdeklara si Sen. Rodante Marcoleta ng ₱51.96 million; sinundan nina Sen. Joel Villanueva na may ₱49.5 million; Sen. Bong Go sa ₱32.42 million; Sen. Kiko Pangilinan na may ₱26.7 million; at Sen. Risa Hontiveros na may ₱18.98 million net worth.
Pinakamababa ang net worth ni Sen. Chiz Escudero na nasa ₱18.84 million lamang.
Samantala, ngayong Miyerkules, October 29, naglabas na rin ng kanilang SALN ang mga senador na sina Imee Marcos, Bato dela Rosa, at Alan Peter Cayetano.
May net worth na ₱164.99 million si Marcos, habang ₱32.29 million kay dela Rosa, at ₱109.13 million naman ang kay Cayetano.
Alinsunod sa Republic Act No. 6713, obligadong magsumite ng annual SALN ang lahat ng kawani at opisyal ng pamahalaan para siguraduhing nananatili ang transparency at pananagutan sa kanilang serbisyo publiko. #
