Manny Pacquiao, itinalaga bilang vice president ng International Boxing Association
Isang bagong yugto sa karera ni boxing icon Manny Pacquiao ang binuksan matapos siyang hirangin bilang vice president ng International Boxing Association (IBA) sa ginanap na board of directors meeting sa Maynila nitong Lunes, October 27.

Ang pagkakahirang kay Pacquiao ay itinuturing na makasaysayan, dahil mula sa pagiging 8th division world champion, ngayon ay gaganap naman siya bilang isa sa mga pinuno ng pandaigdigang samahan ng boksing.
Layunin ng kanyang bagong tungkulin na makatulong sa pagpapatupad ng mga programa ng IBA para sa pagpapaunlad ng sports at pagpapalawak ng oportunidad ng mga atleta.
Ayon kay IBA President Umar Kremlev, ang pagpasok ni Pacquiao sa pamunuan ay malaking hakbang tungo sa tinatawag nilang “golden era” ng boxing, kung saan binibigyang-pansin ang kapakanan at patas na laban para sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang bansa.

Ibinahagi naman ni Pacquiao ang kanyang hangarin na magbigay ng pantay na pagkakataon sa bawat batang boksingero sa buong mundo.
Bilang vice president, target niyang pagdugtungin ang mga professional at amateur boxers, at itaguyod ang pagkakaisa ng mga atleta anuman ang lahi o bansa.
Sa ilalim ng kanyang bagong posisyon, inaasahan ding magiging tagapayo si Pacquiao ng mga strategic project ng IBA at magiging kinatawan ng organisasyon sa iba’t ibang international summit.
Ang pagpupulong ng IBA board ay ginanap kasabay ng paggunita sa 50th anniversary ng “Thrilla in Manila.” #
