Manny Pacquiao, balik-training na para sa boxing comeback
Matapos ang apat na taong pahinga mula sa professional boxing, balik-training na muli si Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao sa Wild Card Gym sa Los Angeles.
Ito ay upang paghandaan ang kanyang napipintong laban kontra sa 30-anyos na si Mario Barrios para sa WBC Welterweight Champion belt na nakatakdang ganapin sa Las Vegas sa July 19. Kasama niya sa training camp ang kanyang longtime coach na si Freddie Roach at Buboy Fernandez.

Sa first day ng kanyang training, nagsimula si Pacquiao sa light exercises tulad ng pagtakbo at shadowboxing sa Pan Pacific Park bago nagtuloy sa mitts session sa Wild Card Gym kasama si Roach.
Ang pagbabalik niya sa ring ay kasunod ng pagkatalo niya sa Senatorial elections sa Pilipinas at ng kanyang induction sa International Boxing Hall of Fame ngayong June.
Bagama’t may agam-agam ang boxing community dahil sa kanyang edad na 46 at ang kanyang performance sa mga nakaraang exhibition bouts, nananatili naman daw positibo si Pacquiao.
Ang laban kay Barrios ay inaasahang magiging makasaysayan, lalo na’t ito ang unang pagkakataon na maglalaban ang isang 46-anyos na dating world champion laban sa isang aktibong 30-anyos na kampeon. Kung magwawagi si Pacquiao, siya ay magiging isa sa pinakamatandang world champion sa kasaysayan ng boxing. #
